8.02.2006
Minsan sa Abril
Ito ang pamagat ng napanood ko na pelikula kagabi o Sometimes in April sa Ingles. Pinanood ko dahil naenganyo ako sa nabasa ko tungkol sa pelikula. Kuwento ito ng isang Rwandan na may pamilya at mga kaibigan na nasawi sa “ genocide” noong taong 1994 sa Afrika. Maliit lang ang bansang Rwanda ngunit saksakan ito ng problema lalo na sa mga paghahati ng klase ng tao. Ang Tutsi at ang mga Hutu. Isang kuwento na patuloy na hinagpis at sakit ni Agustin ang pangunahing tauhan. Nakaligtas siya sa gera dahil siguro isa siyang Hutu. Nakapangasawa siya ng Tutsi at nabiyayaan ng dalawang lalaking anak.
Kung ilalagay ko ang sarili sa kanyang sitwasyon masisiraan siguro ako. Hindi sa mga bangkay na nagkalat kung saan saan kundi ang masaklap na katotohanan na wala sa tabi mo ang pamilya mo at malabo ang kasiguraduhan ng kanilang kaligtasan. Nakakahinayang ang sinapit ng ating bida. Nawala ang lahat sa kanya at hind matanggal sa daliri niya ang alaalang singsing. Masasabing nakatatak na siguro habang buhay sa mga nakaligtas ang sinapit nila. Sabi nga ng isang matanda sa pelikula mas matagal mo itong mararamdaman kesa sa kanya na matanda na. Pinagkatiwala niya ang kanyang pamilya sa kapatid na maimpluwensiya pero sa huli nalaman din niya ang kinahihinatnan nila. Hindi ko na ikukuwento ang kabuuan ng pelikula dahil binibigyan ko kayo ng tiyansa na mapanood ito. Kung makuhang niyong ito panoorin huwag niyo kalimutan na ilagay ang sarili niyo sa posisyon ng bida. Kahit pa man maintindihan niyo ang buong kuwento wala itong kuwenta kung hindi niyo mararamdaman ang pinaparating nito.

Read or Post a Comment
<< Home